Archives
Most Recent Blogs
Better than Playing the Lottery---PayPerMails Read More
Still thieving Read More
Romblon's disjointed opposition Read More
Boto Mo, Boto Ko Ay Mahalaga Read More
JOB vs DXN Read More
The boat that Budoy is rowing is sinking in the river he is drowning Read More
I am Earning With My Underwear Read More
If we so decide Read More
Tungo sa Tagumpay ng Pambansang Wika Read More
Sino Ang Isasayaw Ninyo? Read More
R. MACHADO Blogs
PAGKAMULAT SA PANAHON NG TAGSIBOL

Isang Rebyu ng "Spring Awakening" (Musical)

HINDI AKO PALATANONG na tao. Isang katotohanang minsan ding nagpakaba sa 'kin. Sabi kasi nila, senyales daw ng pagiging matalino ang palagiang pagtatanong. Hindi totoo 'yan dahil first honor naman ako mula grade one hanggang grade six, depensa ko sa sarili ko. Masyado akong mahiyain kahit noong bata pa lamang ako - na marahil ay produkto ng palagi kong pag-iisa. Ang madalas kong kasama ay mga pocketbook at komiks at mga lumang diyaryo na inuuwi ng mga pinsan ko galing Maynila. Ang mga tanong ko'y nakaimbak lang sa utak ko. Dito'y nagsisiksikan ang hindi mabilang na tandang pananong. Bukod sa nahihiya akong magtanong, wala akong maisip na taong maaaring sumagot sa mga bagay at pangyayari na hindi abot ng aking kamalayan. Ang mga tao sa nayong kinalakhan ko ay abala sa pagpapabuti ng kanilang mga buhay. Wala silang panahon para pag-isipan at pagnilayan ang mga bagay na hindi naman makakatulong sa pag-unlad.

Ang mga guro ay abala rin sa kani-kanilang buhay at palagay ko'y hindi nila masasagot ang mga tanong ko: Bakit hindi namin kasama si Tatay? Paano nila nasabing hindi ko nanay ang taong tinatawag kong mama? Bakit umiiba ang timbre ng boses ko? Bakit hindi ako mapalagay kapag nakakapanood ako ng mga eksenang senswal sa betamax? Bakit nakikiliti ako kapag nababasa ko ang mga vandalism sa pader ng boy's CR na nagpapatungkol sa sex?

Ang mga kaklase ko'y hindi ko rin magawang tanungin. Iniisip ko pa lang ang mga tanong na ito'y pinamumulahan na ako ng mukha! Ano na lamang ang iisipin nila? Parang hindi yata akma sa kagaya kong tahimik ang mag-isip ng mga ganoong bagay. Ni hindi ako sumasali sa kanila kapag pinag-uusapan na nila ang pagtutuli at ang unti-unting pagtubo ng mumunting buhok sa maselang bahagi ng kanilang katawan. Nakikinig lamang ako, at pagdating ko sa bahay ay inuusisa ko ang aking sarili. Bakit meron ding buhok na tumutubo rito?

Dahil hindi pa itinuturo sa elementarya o kaya sa unang taon sa hayskul ang tungkol sa reproductive system. Estranghero para sa mga kagaya kong kulang sa kaalaman ang mga pagbabago sa katawan na maagang nangyari. Mabuti na lamang, mas straightforward ang mga kaklase kong lalaki sa high school pagdating sa sex. Alam na nila kung ano ang bed-wetting, nakapanood na sila ng porn, marunong na silang magbate. At ang ilan sa kanila ay meron nang karanasan sa sex.

Noong simula'y nakakamangha ang ganitong rebelasyon pero sa huli'y mare-realize mo na bahagi lamang ito ng pagpapasikat ng mga kabataang lalaki na nasa estado ng pagbabago. Ang mga tanong ay nasasagot rin pala kahit hindi mo itinanong.

SI WENDLA AY HINDI ko kagaya. Bukod sa siya ay babae at isinilang sa panahong ang lipunan ay regulated ng moralidad, naipapahayag niya ang mga bagay na bumabagabag sa kanya. Paano nabubuntis ang tao? Isang simpleng tanong, kung tutuusin, pero big deal sa matatanda na para bang napakadelikado sa isang menor de edad ang magkaroon ng kaalaman tungkol sa sex. Kaya nang tanungin ni Wendla ang nanay niya kung paano nabuntis ang pinsan niya, wala itong maisagot na diretso sa kanya. Nang malaman ni Wendla na siyang nagdadalang tao, sinisi niya ang kanyang ina dahil hindi nito itinuro sa kanya kung paano nagagawa ang sanggol. At sinisisi natin sa tagpong ito ang nanay ni Wendla dahil kung sakaling naging totoo siya sa anak, hindi mabubuntis si Wendla.

Si Melchior ba ang dapat sisihin? Palagay ko'y hindi. Si Melchior ay katulad din ng ibang nagbibinata. Mapusok at may pagka-adventurous pagdating sa sex. Bukod sa malakas ang kanyang loob (at appeal), wala rin siyang pakialam sa social norms at kung ano ang iniisip ng tao sa kanya. Pero ang kaalaman niya sa sex ay mapanganib na ikinadulot ng kasawian ng pinakamalapit niyang kaibigang si Moritz at ang kasintahang si Wendla.

Marahil ay tama ang mga matatanda na ipagbawal ang sex sa mga kabataan dahil ito'y nakamamatay? Sa kabilang banda, kung maaga namang naipinamulat sa mga kabataang ito ang tungkol sa sex, maaaring hindi mauuwi sa trahedya ang lahat.

Hindi klaro sa aspektong ito ang Spring Awakening ni Frank Wedekind. Dalawang magkaibang ideya ang gusto niyang sabihin pero wala siyang eksaktong testamento kung alin ang higit na matimbang. Bilang indibidwal na nagdaan din sa pagkabata, peligroso ang sex. Nararapat lamang bang ipagbawal ang sex sa mga menor de edad?

Kung ano man ang politikang nais ipabatid ni Wedekind sa kanyang dula, nagtagumpay siya. Pero higit na nagtagumpay ang adaptasyon nina Duncan Sheik at Steven Sater. Naiangat nito ang dula sa mas mataas na artistic level na walang detalye o aspektong nakukompromiso. Kung nabubuhay pa ngayon si Wedekind, malamang ay hindi niya ikakahiya ang obra nina Sheik at Sater.

DALAWANG SOLIDONG DAHILAN kung bakit malakas ang appeal sa manonood ng Spring Awakening: una, tungkol ito sa sex. Itinuturing na overrated ang sex pero kapag ito na ang usapan, siguradong bebenta. Ikalawa, makapangyarihan ang musika - lahat ay pamilyar sa uring ito ng sining. At kung kaayaaya sa pandinig ang musika, kahit sino ay mapupukaw nito.

Ang musika sa Spring Awakening ay iyong tipo ng tunog na pamilyar, madaling sabayan at tandaan. Sabi sa "Six Degrees of Separation", "The imagination is not our escape, on the contrary, it is the place we are all trying to get to." Sa Spring Awakening, musika ang nagiging kaganapan ng saloobin at hinanakit ng mga kabataan. Sa pamamagitan ng awitin at tugtugin, naipapahayag nila ang kanilang mga sarili. Dito'y waring pinag-iisa ang kanilang mga hinaing. Dito'y nagkakaunawaan sila. Nakakapagmura sila nang walang pangamba dahil dito ay mistulang "Room of Requirement" sa Harry Potter - isang kuwarto na walang sinuman ang maaaring makapasok kundi sila-sila lamang. Off-limit ang mga matatanda. Sa musikal na ito, nagmukhang caricature at tableaux ang mga matatanda kapag tumutugtog na ang banda at inilalabas na ng mga kabataan ang kanilang mikropono. Sa totoong mundo, repressed sila ng lipunan pero dito para silang mga hayop na nakawala sa hawla - mabagsik at punong-puno ng enerhiya.

Naging mahalagang instrumento rin ang musika upang mapausad ang banghay ng dula - na isa sa pinakamainam na naiambag nina Sheik at Skater. Maging ang mga linya sa bawat kanta ay hindi tumiwalag sa istorya na nagpapatunay lamang ng respeto at pagpapahalaga nila sa awtor na si Wedekind.

SAFE MARAHIL ISIPIN na naging tapat rin ang direksyon ni Chari Arespacochaga sa Broadway version. Maaari ring isipin na ang pangunahing layunin ng produksyon ay upang dalhin sa Pilipinas ang musikal na nagtamasa ng maraming pangaral sa Tony, sekondaryo lamang siguro ang pagpapatunay na kaya ring makipagsabayan ng lokal na mga artista sa musikal.

Nang malaman ko noong nakaraang taon na magkakaroon ng lokal na produksyon ang Spring Awakening, labis-labis ang aking pasasalamat. Ilang taon na rin akong sumusubaybay sa mga Broadway shows sa pamamagitan ng pagbabasa ng reviews sa New York Times sa Internet at nang mabasa ko ang mga papuri ng mga kritiko sa musical, pinangarap ko na sana ay magkaroon din ng adaptation nito sa Maynila. Ang produksyong nakikinita ko dati ay lokal ang sensibilidad at oryentasyon. Marahil ay nasanay akong manood ng mga foreign plays na in-adapt sa Filipino. Gustong-gusto ko, halimbawa, ang "Orfeo sa Impiyerno" na halaw sa "Orpheus Descending" ni Tennessee Williams. Matagumpay na naisalin sa lokal na setting at sensibilidad. Ito ang lagi kong hinahanap kapag nanonood ako ng foreign play - ang Filipino sensibility na hindi ko makita, kahit na anong trace, sa Spring Awakening.

Irrelevant marahil para sa iba ang ganitong pagtingin pero sa palagay ko, mahalaga ang relevance ng isang ang dula (o musikal) sa pakikibagay nito sa Filipino experience dahil kung wala nito'y nanganganib na mahusgahan ang produksyon na isang payak na pagsasalin lamang. Sa isang banda, hindi rin fair ang ganitong uri ng kritisismo dahil disente ang adaptasyon ng Spring Awakening. Isang malaking ambag sa dulaang Pilipino ang pagpo-produce ng ganitong uri ng palabas na hindi accessible sa karamihan.

HINDI GAANONG ACCESSIBLE sa masa ang RCBC Theater, kung saan ipinalabas ang Spring Awakening. Kakaiba ang aura na naipo-project nito kaya't hindi rin masisisi ang mga nagsasabi na elitista ang teatro lalo na ang musical. Bukod sa mas mataas kesa sa karaniwan ang tiket, may kung anong pakiramdam sa loob ng Carlos P. Romulo theater na iba sa ibang teatro. Hindi mo iyon mararamdaman sa CCP o sa Wilfredo Ma. Guerrero Theater sa UP Diliman. Pero nang dumilim ang entablado, unti-unting naglalaho ang kakaibang pakiramdam. Tinutunaw ng musika ang anumang alinsangan at bago mo pa man mamalayan, tuluyan ka nang hinubaran ng matitingkad na ilaw. Patunay lamang ito na may kapangyarihan ang teatro na magbuklod ng isipan ng mga manonood anumang ang lahi at estado nila sa lipunan.

Sakto at napakasinop ng light design. Epektibo rin ito sa pagpapakita ng emosyon ng bawat eksena. Kapag "nagwawala" ang mga performers, nakikisabay rin sa paghuhurumentado ang mga ilaw. Nagsasalimbayan ang mga kulay pero hindi ito magulo - tila memoryado nito ang bawat galaw at anggulo. Sa solo performance, halimbawa, ni Moritz, maapoy na puting liwanag ang umuusok sa kanyang likuran na waring bahagi ng kaluluwa na tumatangis at nagpapahiwatig ng kamatayan.

Maging ang choreography ay kalkulado. Walang mga awkward movements na nagpapakita ng mastery ng mga aktor. Kaya lang, ang ibang bahagi ay paulit-ulit lamang, tuloy halos kalkulado mo na rin kung saan sila pupunta o kung ano ang kanilang gagawin.

SA MGA HINDI NAKAPANOOD ng produksyon o nakabasa ng dula ni Wedekind, may shock value pa rin ang ilang mga eksena kagaya ng halikan ng dalawang tin-edyer na lalaki, ang pagsasalsal ni Hernst suot ang puting nightgown at ang butt exposure ni Melchior habang nakikipagniig kay Wendla. Kung tutuusin nga lang, mahinang klase ang mga eksenang ito dahil hindi na ito kaiba sa panahon natin. Pero relevant pa rin ang mga ito dahil magmula pa noong panahon ni Wedekind hanggang sa kasalukyan, iisa lang ang mukha ng sex. At sa palagay ko'y hindi intensyon ng musical na manggulat sa pamamagitan ng hubaran. Mas nakatuon ang pansin nito sa pagpapakita ng kaguluhan ng isipan ng mga kabataan sa panahon ng tagsibol.



  • Posted
  • 10/22/2009 3:12:48 AM
Blog Comments
11/3/2009 11:25:21 AM
Name max 
Email Address maxfabella@att.net 
Location u.s. 
Country United States 
Personal Website  
Comments The blog is too prolix. Are you trying to impress? Have you impressed your self. Write short, you
will be judged by its content, not its
LONGNESS, if there is such a word.
heh heh heh 

12/3/2009 1:11:35 AM
Name Ryan 
Email Address journeyoferos@yahoo.com 
Location Manila 
Country Philippines 
Personal Website http://erosjourneys.blogspot.com 
Comments Thanks for your comment.

No, sir, I was not trying to impress. And I haven't impressed myself in writing this review. I submitted it to a play review contest, which by the way, won second prize (and I didn't mean to impress you by telling this.) If the length were an issue to you, my apologies.

Gibbs Cadiz, writer/editor for Philippine Daily Inquirer, chose this review as one of the winners so I don't think the length was an issue for him. And you're right, it was judged by its content. It just so happened that my review couldn't be written in one paragraph.

 

  • Page (1 of 1)


Name
Email Address
Location
Country
Personal Website
Comments
Please enter the security code displayed below
This Is CAPTCHA Image