| Archives |
ANG MAGKAIBIGANG WORCESTER AT SANZ
ni Kristoffer R. Esquejo[1]
Isa sa kontrobersiyal na personalidad sa panahon ng mga Amerikano ay ang isang Amerikanong opisyal na nagngangalang Dean C. Worcester. Nang mahirang na Kalihim ng Interyor, siya ay minsang tinuligsa sa artikulong Aves de Rapia (Birds of Prey) ng pahayagang El Renacimiento (Ang Muling Pagsilang). Bagaman hindi tuwirang pinangalanan ng nagsulat, siya ay inilarawan tulad ng isang agilang tila naghahahanap ng kung anu-ano sa mga kabundukan ng Cordillera ngunit ang hangad pala ay gintong mina. Dahil sa kontrobersiyang dulot ng sulating ito, idinemanda ni Worcester ng libelo ang pahayagan na agad din naman kinatigan ng pamahalaang kolonyal na Amerikano. Nagresulta ito sa pagsasara ng El Renacimiento, pagbabayad ng pinsala at pagkakulong ng mga patnugot nito sa pangunguna ni Teodoro M. Kalaw. Nang mawala ang batas para sa Press Censorship, napalaya din sina Kalaw.
Sino ba si Dean C. Worcester? Kulang-kulang isang dekada bago sumapit ang mga Amerikano para sakupin ang Pilipinas, si Worcester ay nakapagtungo na sa Pilipinas at umikot sa ibat ibang bahagi nito. Isa na rito ay ang Baguio kung saan nagkaroon siya ng ideyang makalikha ng isang maginaw na lugar na pahingahan ng mga Amerikano. Kasama sa kanyang mga napuntahan ay ang tatlong isla ng Tablas, Romblon at Sibuyan. Paano ko ito nalaman? Ang tala ng kanyang paglalakbay ay kanyang inilathala sa aklat na The Philippine Islands and Their People.
Nang dumalaw siya sa Romblon, kanyang nakilala at naging kaibigan ang isang mayamang Kastilang tinatawag na Hari ng Sibuyan, si Don Pedro Sanz. Kilala ito sa pagkakaroon ng napakalawak na lupa sa maraming pulo sa lalawigan. Sa ilang araw niyang pananatili sa Romblon, siya ay kinalinga at binigyan ng espesyal na atensyon ng Kastila. Dahil sa ginawa ni Sanz, nakuha niya ang loob ng Amerikanong bisita at mapapakinabangan ang impluwensiya nito sa darating na panahon. Kung matatandaan, si Don Pedro Sanz ang ama ni Don Francisco Sanz, kilala din bilang Don Paco.
Paano ba nakinabang si Sanz sa kanyang pakikipagkaibigan kay Sanz? Ayon sa artikulong Don Adriano N. Rios ni Gabriel F. Fabella, nang maging kasapi ng Philippine Commission si Worcester, kasama siyang dumalaw sa Romblon para itatag ang pamahalaang sibil dito sa bisa ng Philippine Commission Act No. 104. Mayroon pa ngang isang hakbang noon ang mga lider ng maraming bayan sa Tablas sa pangunguna nina Don Santiago Estudillo at Don Eugenio Festin na ipatupad ang utos ng pamahalaang rebolusyonaryo na gawin ang bayan ng Looc na kabisera ng lalawigan subalit sa paggiit ng nakababatang Sanz kay Worcester, pinanatili ang Romblon bilang kabisera. Kalaunan, naging gobernador sibil ng lalawigan si Don Francisco Sanz. Nang maagaw ni Don Bonifacio Marron ang pagka-gobernador noong 1905 at nalalapit na ang halalan sa pagka-delegado ng Philippine Assembly noong 1907, sinasabing gumana ulit ang paghingi ng pabor ni Sanz sa makapangyarihan nitong kaibigan.
Noong 1907, isinabatas ang Philippine Commission Act. 1665 na bumuwag sa estado ng pagka-lalawigan ng Romblon at pagpapailalim nitong muli sa Capiz. Ang lumabas na dahilan ay dahil umano hindi sapat ang nalilikom na buwis para tustusan ang mga operasyon na nagpapatakbo para sa isang lalawigan. Subalit ang isa pang lumilitaw na dahilan ay dahil malaki ang paghahangad ni Sanz na makabalik sa kapangyarihan. Sa sandaling maging bahagi na lamang ng Capiz ang Romblon, isang tenyente gobernador na lamang ang kailangang hirangin at hindi na kailangang ihalal. Sa kadahilanang ito natupad nga ang ambisyon ni Sanz.
Nasaan na ang mga Sanz ngayon? Ayon sa ilan kong nakapanayam mula Sibuyan, halos wala nang natirang Sanz doon maliban na lamang sa ilang kaanak. Ano ang nangyari sa kanilang mga lupa? Marami umano sa mga ito ay nabili na rin ng ibang mga indibidwal. Tila kasama sa paglaho ng kanilang pangalan sa pulitika ay pati ang pagkawala ng kanilang yaman. Matutunan natin sa artikulong ito na saksi ang ating kasaysayan sa katotohanang ang lahat ng bagay ay may katapusan kahit pa ang realidad na may mga pagkakaibigang nabuo para sa bentahe lamang ng dalawang tao.
[1] Ang manunulat ay instruktor ng kasaysayan sa UP Diliman. Para sa komento at suhestiyon, malayang mag-email sa kris_esquejo@yahoo.com
| Blog Comments | ||||||||||||
|
7/15/2009 1:10:29 AM
| ||||||||||||
|
7/15/2009 2:07:29 AM
| ||||||||||||
|
1/19/2010 11:43:57 PM
| ||||||||||||
|
1/21/2010 3:35:38 AM
| ||||||||||||
|