| Archives |
MGA HISTORYADOR NG LALAWIGAN: ISANG PAGPUPUGAY
ni Kristoffer R. Esquejo1
Si Pilosopong Tasyo ay isang karakter sa nobelang Noli Me Tangere na tila katawa-tawa at parang baliw sa mga karaniwang tao subalit lumalabas na ubod ng dunong dahil sa pagpapahalaga sa nakaraan. Maaalalang nadatnan siya ni Crisostomo Ibarra na may mga dokumentong inaayos sabay giit na ang mga iyon ay para sa susunod na henerasyon. Ang mga historyador natin ay tila si Pilosopong Tasyo na hindi nauunawaan ng karamihan sa atin subalit mapapahalagahan sa hinaharap.
Inaakala ng iba na madaling maging historyador tulad ng isang estudyanteng pambato sa mga patimpalak tulad ng quiz bee. Makasaulo ka lamang ng maraming datos mapa-tao, petsa, lugar o konsepto sa nakaraan ay agad kang babansagang historian. Hindi nila nababatid na hindi basta-basta ang titulong ito dahil nangangailangan pa ito ng pagpapakadalubhasa sa kolehiyo. Para sa akin, ganito ang ilang mga katangian nila: una, may pagmamahal sa disiplina ng kasaysayan at damdaming maibahagi ito sa iba; ikalawa, may ambag o kontribusyon sa pagsusulat ng kasaysayan tulad ng aklat; at ikatlo, may batayan ang kanyang pananaliksik tulad ng pangangalap ng mga lumang dokumento sa mga aklatan, pagiging saksi sa mismong pangyayari na kanyang sinusulatan tulad ng himagsikan, giyera, trahedya at iba pa, o mismong pakikipanayam sa mga matatandang kapanahon o nauna sa kanya.
Sa kaso ng Romblon, mayroon akong kilalang apat na taal na Romblomanon na karapat-dapat na bansagang local historians. Pinakauna sa apat si Mateo Menez na nagkataong pinakamatanda at unang nakapagsulat ng kasaysayang lokal ng bayan ng Odiongan. Anak ng mga migranteng Akeanon at dating prinsipal sa paaralang pampubliko, siya ay nakapagsulat ng aklat na A Brief History of a Typical Philippine Town noon pang 1950 at nailimbag lamang ng kanyang mga apo noong 1998. Kapuri-puri ang kanyang akda dahil batay ito sa oral history o sabi-sabi ng mga matatanda.
Susunod kay Menez ay si Prop. Gabriel F. Fabella, dati niya mismong mag-aaral sa Banton Primary School noong 1909. Sa kabila ng kahirapan dala ng lugar at pamilyang kinalakihan, siya ay nakapagtapos ng tatlong kurso sa loob lamang ng tatlong taon sa UP (1917-1920). Kalaunan, siya ay naging propesor ng nasabing pamantasan, naging guro pa mismo ni dating Pangulong Marcos, minsang nahalal na Kinatawan, at binansagang Father of Independence Day. Ang kanyang ambag sa historiograpiya ng ating lalawigan ay ang kanyang dalawang aklat na may parehong pamagat na Romblon Archipelago. Magkasunod na nailimbag noong 1976 at 1977, ang mga seryeng ito ay nakapokus sa Tres Islas at bayan din ng Odiongan. Bagamat hindi niya natapos na talakayin ang lahat ng bayan ng Romblon dahil sa katandaan, kapuri-puri ang kanyang pagsisikap lalot isa siyang tubong Bantoanon na marunong ng mismong wika ng apat na bayang kanyang itinampok.
Katulad ni Fabella na isang guro at pulitiko, si Nestor Famatigan Sr. ay naging guro at nahalal na Board Member ng lalawigan. Dahil nabuhay sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, siya ay nakapag-ambag ng isang akdang nakilala sa pamagat na The Battle of Sibuyan Sea: The Greatest Naval Battle in World History and Other Wartime Events. Inilimbag noong 2003, katangi-tangi ito dahil ito ay batay sa kanyang sariling karanasan sa madugong labanan sa karagatan ng Sibuyan at sa mga karahasang gawa ng mga gerilya at ng mga Hapones. Ang kanyang pagpupunyagi ay nagbunga dahil taun-taon nang ginugunita ang labanang ito sa Alcantara tuwing Oktubre 24.
Panghuli at pinakabata sa apat ay ang dating guro at superbisor sa Araling Panlipunan na si Herminigildo Javier, isang Loocnon. Kilala sa kabaitan at pagiging impormatibo dahil sa dami ng alam sa mga bagay-bagay, siya ay sumakabilang buhay kamakailan dahil na rin sa katandaan. Mapalad ako at nakapanayam ko pa siya noong Disyembre at sana ay hindi siya makalimutan ng mga taga-Looc lalot malapit nang malathala ang kanyang aklat tungkol sa bayan ng Looc.
Nagpapasalamat ako sa Maykapal dahil hindi nasayang ang buhay ng ating mga local historians na nagpunyaging iwan tayo ng hindi mapapantayang butil ng dunong at yaman ng ating nakaraan.
1 Ang manunulat ay instruktor ng kasaysayan sa UP Diliman. Para sa komento at suhestiyon, malayang mag-email sa kris_esquejo@yahoo.com
| Blog Comments | ||||||||||||
|
6/17/2009 7:59:08 AM
| ||||||||||||
|
6/17/2009 7:40:20 PM
| ||||||||||||
|
6/28/2009 3:15:35 PM
| ||||||||||||
|
10/24/2009 9:47:57 PM
| ||||||||||||
|
1/21/2010 4:01:48 AM
| ||||||||||||
|
1/21/2010 4:09:18 AM
| ||||||||||||
|