| Archives |
TATLONG WIKA, ISANG LALAWIGAN
ni Kristoffer R. Esquejo[1]
Bilang Loocnon, maaga akong namulat sa ibat ibang wika. Marunong siyempre ako ng Unhan na sinasalita din sa Boracay at Caticlan. Maliban sa Filipino at Ingles, nakakaintindi at nakakapagsalita ako ng kaunting Hiligaynon dahil na rin lumaki ako sa simbahang umaawit ng mga himnong Ilonggo. Kapag nagtungo ako sa kapitolyo o Sibuyan, hindi ko maiwasang matawa sa punto ng Ini na tila hawig sa Hiligaynon ng Panay, subalit inaamin kong nahihirapan ako sa Asi na sinasalita sa Odiongan.
Noong 1997, isang samahan ng mga mag-aaral na Romblomanon ang naorganisa sa UP Diliman sa pangunguna ni Roentgen Bronce, taga-Calatrava. Dahil batid nilang malakas ang kanilang pagkakahati sa aspektong linggwisitiko, minabuti nilang pumili ng isang katagang karaniwan sa lahat ng wika sa Romblon bilang pangalan ng samahan. Kalaunan, lumitaw ang Kasimanwa na ang salitang ugat ay banwa, ibig sabihiy bayan at nangangahulugang kababayan. Sa kasalukuyan, ang UPK ay nananatiling matatag sa kabila ng maraming hamon. Paano sila nagkakaunawaan? Gumagamit sila ng wikang Filipino bilang kanilang lingua franca.
Ayon sa artikulong Bukod-Tanging Pinoy ni Pastor Ed Lapiz, mayroong 55 wika at 172 dayalekto sa Pilipinas. Tatlo sa mga ito ay matatagpuan sa Romblon Asi, na sinasalita sa Banton, Corcuera, Concepcion, Odiongan at Calatrava; Romblomanon, na laganap naman sa bayan ng Romblon, San Agustin, Magdiwang, Cajidiocan at San Fernando; at Unhan, na popular sa Looc, Ferrol, San Andres, Santa Maria, Alcantara, Santa Fe at San Jose. Ang tatlong nabanggit ang talagang mga tawag sa mga wikang ito na minsan ding tinatawag na Bantoanon, Sibuyanhon at Loocnon na tumutukoy lamang sa lugar na pinanggalingan ng nagsasalita. Kung papansinin, mas nakararami ang nagsasalita ng wikang Unhan dahil San Jose at anim na bayan ng Tablas ang sakop nito. Hindi lamang ito mga dayalekto kundi mga tunay na wikang may sariling kakanyahan.
Hadlang nga ba ang pagkakaiba sa wika ng mga taga-Romblon? Sa isang banda, hadlang ito sa kaisahan ng lalawigan. Minsan ay nagiging salik pa nga ito sa eleksyon na basta kasimanwa o kapareho ng wika ay iboboto agad kahit hindi talaga kilala ang pagkatao ng kandidato. Sa kabilang banda, positibo din ang papel nito dahil ang bawat wika ay tila isang tapayan dahil nakatago dito ang kalinangan ng isang lahi. Kapag ang isang wika ay may napakaraming kataga tungkol sa kakanin, ibig sabihin lamang nito ay isang agrikultural na lipunan ang mga tao roon. Sa bawat wikang nawawalan ng nagsasalita, isang kayamanan ang naglalaho. Sa kaso ng Romblon, ang tatlong wika ay katumbas ng tatlong yaman na dapat ingatan at panatilihin. Aking hinihikayat ang bawat paaralan na buhayin at payabungin ang ating mga bernakular na wika sa pagkakaroon ng mga sulating nakasulat dito sa kani-kanilang dyaryo. Kung maaari ay tigilan na ang masyadong pagkiling sa mga sulating Ingles na karaniwang mayayaman o mga nakapag-aral lamang ang may alam. Tiyak na lilitaw ang likas na galing ng ating kabataan at hindi puro panggagaya lamang sa kung ano ang uso.
| Blog Comments | ||||||||||||
|
3/11/2009 6:55:47 PM
| ||||||||||||
|
3/13/2009 4:52:57 PM
| ||||||||||||
|
3/14/2009 6:45:21 AM
| ||||||||||||
|
3/12/2010 1:04:13 AM
| ||||||||||||
|
3/25/2010 5:09:53 AM
| ||||||||||||
|