| Archives |
SINO SI NVM?
ni Kristoffer R. Esquejo[1]
Maituturing na pinakaprestihiyosong parangal na matatanggap ng isang taong dalubhasa sa sining ay ang maging Pambansang Alagad ng Sining (National Artist). Nagsimula sa panahon ni dating Pangulong Marcos, marami nang kinilala dito mula sa ibat ibang larangan ng sining tulad ng pagpipinta, dula, paglililok, musika, sayaw, panitikan, arkitektura at pelikula. Ang mapalad na napipili dito ay dumadaan sa isang matinding panunuri at pagtitimbang. Mayroong mga nagawaran na nasa retiradong gulang na, mayroong nasa katamtamang gulang pa lamang at may iilan ding namayapa na bago maparangalan tulad ni Fernando Poe Jr, ang Hari ng Pelikulang Pilipino. Ang magantimpalaan ng karangalang ito na buhay pa ay hindi basta-basta dahil tatanggap siya ng malaking salapi at napakaraming benepisyo mula sa gobyerno.
Isa sa pinakatanyag na manunulat na Pilipino sa wikang Ingles at naging National Artist for Literature ng ating bansa ay si N.V.M Gonzales. Nagkataong isa natin siyang kasimanwa na isinilang noong Setyembre 8, 1915. Bagamat napakakaunti ng kanyang sinulat ukol sa Romblon, hindi naman niya kinalimutang ipagmalaki na ang kanyang bayang sinilangan ay Romblon, Romblon na paminsan-minsan din niyang binabanggit sa ilan niyang sanaysay. Anak ng taga-Ibajay, Aklan, ang kanyang buong pangalan ay Nestor Vicente Madali Gonzalez. Lumaki sa Mindoro at hindi natapos ang kurso sa National University, siya ay nakapagtungo at nakapagturo sa napakaraming pamantasan sa Estados Unidos dahil sa kanyang husay sa pagsusulat ng mga maikling kwento. Ilan sa kanyang mga bantog na akda ay ang mga sumusunod: The Winds of April, Seven Hills Away, Children of the Ash-Covered Loam, The Bamboo Dancers, Look, Stranger, on This Island Now, Selected Stories, Mindoro Beyond, The Bread of Salt, Work on the Mountain, The Novel of Justice at A Grammar of Dreams.
Ano nga ba ang katangian ng mga akda ni NVM at umani ito ng ibayong kasikatan pati sa ibang bansa? Ayon sa aklat na Remembering NVM na pinatnugutan ng isang taga-Alcantara at bantog na manunulat din na si Jose Butch Dalisay, Jr., si NVM ay binansagang Master of the Filipino Short Stories dahil sa kakaibang husay niyang iparamdam sa sinumang mambabasa ang kanyang mensahe at emosyon kahit na nakasulat ito sa isang banyagang wika. Noong 1987, siya ay ginawaran ng UP ng digring Doctor of Humane Letters. Pagkatapos ng sampung taon, doon pa lamang siya kinilala ng administrasyong Ramos bilang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan. Pagkatapos ng dalawang taon, sumakabilang buhay na si NVM noong Nobyembre 28, 1999 sa gulang na 84.
Sa tuwing dumadaan ako sa gusali ng Faculty Center ng UP Diliman, ipinagmamalaki kong Romblomanon ako dahil kay NVM na ang pangalan sa isang pinto ay nananatiling nakakabit. Malayo man ang kanyang narating sa kanyang tanang buhay, hindi pa rin niya kinalimutan ang kanyang lugar na sinilangan. Katulad niya, saan man tayo ngayon at saan pa makararating ay hindi natin maaaring burahin ang katotohanang tayo ay tubong Romblon, isang lalawigang mayaman sa wika at kultura, at hindi nagpapahuli sa kasaysayan.
| Blog Comments | ||||||||||||
|
3/13/2009 4:27:04 PM
| ||||||||||||
|
6/28/2009 3:58:02 PM
| ||||||||||||
|
1/23/2010 3:04:23 AM
| ||||||||||||
|