| Archives |
KUNG BAKIT MALAKAS ANG IFI SA TABLAS
ni Kristoffer R. Esquejo[1]
Kapag kuwaresma, hindi ko nakakalimutan ang mga prusisyong umiikot sa kabayanan. Isa sa dalawang ito ay ang Iglesia Filipina Independiente (IFI) kung saan kaanib ang karamihan sa aking mga kamag-anakan sa ina. Natatandaan ko pa nga na ipinagmamalaki ng aking lola na ama raw niya ang nagkaloob ng loteng kinatitirikan ng IFI sa Looc. Dito nagsimula ang aking interes sa simbahang ito na may pambansang watawat sa loob at gumagamit ng wikang Filipino sa kanilang mga gawaing relihiyoso.
Ang panahon ng Himagsikang 1896 ay isang mapait na yugto sa kasaysayan ng dating makapangyarihang Simbahang Katoliko. Ang institusyong dating nakakapagdikta sa pagpapatakbo ng pamahalaang kolonyal ng mga Kastila ay inusig ng mga rebolusyonaryong Pilipino, pinaghinaan ng impluwensiya at nabawasan ng malaking bilang ng mananampalataya. Isa sa malaking hamon dito ay ang pagkasilang ng IFI na madalas ding tinatawag na Philippine Independent Church (PIC) at Aglipayano hango sa apelyido ng kanilang pinakaunang obispo si Obispo Gregorio Aglipay. Itinuturing ni Teodoro Agoncillo ang IFI bilang tanging nanatiling buhay at totoong bunga ng Himagsikang 1896.
Ayon sa tesis masterado ni Roland Madeja na Romblon, 1570-1946: Its History and Development, isa ang Romblon sa pinakaunang tumanggap na lalawigan at hanggang sa kasalukuyan ay nanatiling isa sa may pinakamalaking bilang ng kasapi ng IFI. Noong Hulyo 10, 1906, isang paring Aglipay na nagngangalang Reberendo Padre Don Jose Magbanua ang nagtatag ng pinakaunang simbahang IFI sa Odiongan. Karamihan sa mga naunang napaanib sa IFI ay pawang dating Katoliko na may simpatya sa himagsikan. Sa kanyang mga sermon, kanyang napaalala ang pang-aabuso ng isang prayleng Kastila na kura paroko ng Odiongan (1890-1894). Ito ay si Fray Don Blas Martinez de San Antonio, may 38 taong gulang, na kilala sa pagiging arogante. Kilala siya sa pananampal, paninipa at pananakit sa mga hindi makasagot sa mga tanong sa katekismo bago gawin ang seremonya ng binyag at kasal. Sa panahon niya, maraming sanggol ang hindi nabinyagan at maraming mag-asawa ang hindi naikasal. Matatawag nga siyang Padre Damaso ng Romblon.
Mula Odiongan, nailipat si Magbanua sa Looc at pinalitan naman siya ni Reberendo Padre Don Vicente Servaez. Nadestino naman sa Despujol (ngayon ay San Andres) ang isa pang paring Aglipay si Reberendo Padre Don Gregorio Felipe. Karagdagan pa dito, ang paglakas at paglaganap ng IFI, lalung-lalo na sa Odiongan, ay masasabing maiuugat sa katotohanang walang paring Katoliko ang namalagi dito mula 1908 hanggang 1934. Dahil dito, napilitan at nakumbinsi ang mga Odionganon na dumalo sa mga pananambahan ng IFI. Bunga nito ay ang hindi na pagbalik ng mga dating Katoliko sa kinagisnang relihiyon at nanatiling minorya ang mga Katoliko hanggang 1974. Simula nang ipakalat ang pananampalatayang IFI sa Romblon, ang mga kasapi nito ay nasa ilalim ng Diocese of Antique na kalaunay naging Diocese of Panay and Romblon.
Sa sandaling mabatid ito ninuman, hindi na mapagtatakhan pa kung bakit ba malakas ang sinasabing makabayang simbahan sa Looc, San Andres, Odiongan at Calatrava.
| Blog Comments | ||||||||||||
|
3/19/2009 5:11:27 PM
| ||||||||||||
|
6/12/2009 12:34:07 PM
| ||||||||||||
|
11/21/2009 10:43:33 AM
| ||||||||||||
|