| Archives |
ANG ROMBLON AT ANG AKLAN
ni Kristoffer R. Esquejo[1]
Sa isang pamilya, relihiyon o lihim na kilusan, usung-uso ang tawagang kapatid o mas pinaikling Ka tulad ng Ka Amado o Ka Lorena, anuman ang kasarian, sa isang kasamahan sa pamilya o kapanalig sa pananampalataya o ideyolohiya. Kung susuriin sa larangan ng linggwistika, katangi-tangi ang lalim ng katagang kapatid dahil binubuo ito ng dalawang konsepto ang ka at patid. Ang salitang ka ay nangangahulugang kapareho o kapantay mo ang isang tao sa isang bagay na nagbubuklod sa inyo. Halimbawa ay ka-puso, ibig sabihiy iisa sa damdamin o kaya ka-pamilya, ibig sabihiy iisang dugo. Ang salitang patid naman ay kahawig sa bogto o putol dahil sa paniniwalang ang magkapatid sa laman ay magkarugtong ang bituka o nanggaling sa iisang bahay-bata dahil sa pareho ng inang pinagmulan. Katunayan, ang salitang kapatid sa Tagalog ay katumbas ng kaputol, kautud sa Hiligaynon o kabogto sa Waray. Dahil dito, hindi nakakapagtakang mauso ang tawagang utol o tol sa magkapatid dahil ito ay pinaikli lamang na kaputol.
Kung pagbabatayan ang kapatiran sa hanay ng mga probinsya, ano kaya ang maaaring kapatid ng Romblon? Para sa akin, ito ay ang Aklan. Bagamat ang Romblon ay kabilang sa rehiyon ng MIMAROPA sa kasalukuyan na binubuo ng apat pang lalawigan, ang pinakamalapit pa rin na maituturing na kapatid nito ay ang Aklan na nasa timog ng Romblon at kabilang sa isla ng Panay. Bakit? Mayroon akong apat na kadahilanan para dito.
Una ay ang pagkakaroon ng parehong probinsya ng magagandang dalampasigan. Nariyan ang isla ng Boracay na talagang dinarayo ng di-mabilang na turista, dayuhan man o katutubo, at lubusang nagpasikat at nagpayaman sa Aklan. Bagamat di pa ganoon kasikat ang nasa Romblon, mayroon din naman itong Hambil o Isla de Carabao na pinapalibutan ng puting buhangin at potensyal na lugar panturismo. Katunayan, sa larangan ng pag-aaral ng heograpiya ay itinuturing na magkapatid ang dalawang islang ito na magkalapit at pinaghihiwalay lamang ng anyong tubig.
Ikalawa ay ang pagkakaroon ng hawig sa wika. Pitong bayan sa Tablas at Hambil ang nagsasalita ng wikang Unhan na hawig sa wika ng mga katutubo ng Boracay at Caticlan. Ang wikang Akeanon naman ay hindi nagkakalayo sa Unhan maliban na lamang sa kanilang paraan ng pagsasalita na tila pilipit ang dila. Ayon sa kwento-kwento, mayroon daw datu sa Aklan na pinutulan ng dila at ginaya ng mga tao kung kaya ito na umano ang pinagmulan ng pagsasalita ng wikang nabanggit. Kung may mga Romblomanong nag-aral sa Kalibo at nakipagsapalaran sa Boracay, marami ding taga-Aklan ang nakapangasawa ng mga taga-Tablas at naging migrante sa Sibuyan.
Ikatlo ay ang pagiging dating sakop ng Romblon at Aklan sa ilalim ng Capiz sa buong panahon ng mga Kastila. Parehong nangampanya ang mga pulitiko ng dalawang sakop na humiwalay sa huli sa panahon ng mga Amerikano subalit una tayong nagtagumpay. Matapos tayong maibalik bilang lalawigan sa pagtataguyod ni Kinatawan Festin noong 1919, ang Romblon ay tuluy-tuloy nang nagsarili. Ang Aklan ay nanaig lamang noong 1956.
Panghuli, tila lumilitaw na anak ng Capiz ang dalawang lalawigan pagdating sa aspekto ng Katolisismo. Kung ang patrong santo ng Roxas City ay ang Nuestra Seora dela Purisima Concepcion, parehong Santo Nio naman ang dalawa. Katunayan, kung may Ati-Atihan ang Kalibo, may Biniray naman ang bayan ng Romblon na parehong ginugunita tuwing buwan ng Enero.
Sa mga naibigay na kadahilanan, huwag na nating pagtakhan na karapat-dapat tawaging tila magkakambal na kapatid ang Romblon at ang Aklan. Dahil dito, mainam na panatilihin, kung hindi man pag-ibayuhin, ang ugnayan ng mga Romblomanon at Akeanon.
[1] Ang manunulat ay instruktor ng kasaysayan sa UP Diliman. Para sa komento at suhestiyon, malayang mag-email sa kris_esquejo@yahoo.com
| Blog Comments | ||||||||||||
|
6/28/2009 3:38:31 PM
| ||||||||||||
|
6/30/2009 6:58:48 PM
| ||||||||||||
|
12/4/2009 8:34:43 AM
| ||||||||||||
|
1/5/2010 12:57:46 PM
| ||||||||||||
|
1/21/2010 4:17:01 AM
| ||||||||||||
|