| Archives |
MGA ATI, UNANG TAO SA ROMBLON?
ni Kristoffer R. Esquejo[1]
Karaniwan sa mga nakapag-aral sa elementarya ang maging pamilyar kay H. Otley Beyer, isang bantog na Amerikanong antropologo. Siya ay madalas na binabanggit sa mga textbook sa Sibika at Kultura, maging sa HEKASI, dahil sa kanyang teoryang Waves of Migration Theory. Ayon dito, pinakaunang tao daw umano sa Pilipinas ay ang mga Ita na sinundan naman ng mga Indones at Malay galing lahat sa labas. Ang mga Ita ay tinatawag din sa ibat ibang pangalan depende sa lugar: Agta, Ati, Baluga, Dumagat, Mamanwa, Negrito at iba pa. Katunayan, may awitin pa ngang pinamagatang Negritos of the Mountains. Sa kasalukuyan, ang teoryang ito ay binuwag na nina Peter Bellwood at Wilhelm Solheim II sa paggiit na ang tunay nating mga ninuno umano ay matatawag na mga Austronesiano na nagdala sa atin ng kultura ng pagtatanim at pagkain ng bigas at mahuhusay na mga mandaragat.
Magkagayunpaman, ayon kay Mateo Meez nang magsulat siya noong 1950, mga Ati ang sinasabing pinakaunang tao o aborigines ng Romblon. Ayon pa sa kanya, hindi tiyak kung kailan sila unang nakarating sa Tablas subalit pinaniniwalaan niyang ang mga ito ay inapo umano ni Tuan Marikudo, ang pinunong Ati na binabanggit sa kontrobersiyal na Maragtas. Ito ay tungkol sa isang tala na nagsasabing ipinagbili ng nasabing Ati ang kapatagan ng Panay kapalit ng isang gintong salakot para sa kanyang asawa sa sampung datu ng Borneo na nagsitakas mula kay Makatunaw, isang mapaniil na sultan.
Dagdag pa niya, ang dalawang orihinal na pamayanan ng mga unang Ati sa Tablas ay ang Guintigi-an at Agojo ng Looc at Pato-o ng Odiongan. Ganito ang pagkalarawan sa kanila: The puro Negrito of Tablas is short in stature. He is dark black and has hair and flat nose. He lives a very simple life. His house is a very small rude but made of few poles and sticks with wild banana or palm leaves for roof. Some shelter themselves under large trees. Some Negritos make kaingins and raise highland rice and camotes, but most of them live by hunting, fishing, digging roots, and picking wild fruits in the forests. They also gather beeswax, resins, rattan, and other forest products. They sell these to the brown people or exchange them for foodstuffs and clothing. Kilala din sila sa hindi basta-basta pakikihalubilo sa ibang tao. Dahil dito, mayroong mga pagtatangka sa dakong huli na isama ang mga Ati sa ibang pangkat etniko. Ginawa ito nina Hugo Firmalo at Miguel Fallaria, mga may sakahan sa Pato-o, sa pamamagitan ng paghikayat sa kanilang magpunta sa kabayanan. Bagamat nagsitungo nga sa kabayanan ang mga Ati tuwing may pista, hindi rin ito nagtatagal. Nang magtayo ng isang plantasyon ng abaka si Pedro Fetalino malapit sa kanilang komunidad, sila ay lumipat pahilaga sa Langitnon, bahagi ng San Andres. Noong 1950, tinatayang 150 na lamang ang bilang ng mga Ati sa Tablas at nagkaroon pa umano ng mga kalibogan, katagang Ati para sa mga hindi na purong Ati dahil sa pag-aasawahan sa ibang pangkat. Hindi tiyak kung may natitira pang mga Ati sa Tablas maliban na lamang sa mga naninirahan sa isla ng Hambil.
Bilang pangwakas, hindi natin tiyak kung mga Ati nga ang unang tao sa Romblon subalit ang sigurado ay naging bahagi sila ng kasaysayan ng ating lalawigan. Hindi natin maitatanggi na dumanas sila ng katakut-takot na diskriminasyon mula sa atin dahil sa naiiba nilang pisikal na anyo at paraan ng pamumuhay. Aminin man natin o hindi, kadalasan ay bahagi pa sila ng ating mga biruan.
[1] Ang manunulat ay instruktor ng kasaysayan sa UP Diliman. Para sa komento at suhestiyon, malayang mag-email sa kris_esquejo@yahoo.com
| Blog Comments | ||||||||||||
|
6/28/2009 3:32:33 PM
| ||||||||||||
|
7/16/2009 6:58:52 PM
| ||||||||||||
|