| Archives |
SI TERAN AT ANG MGA MANGYAN
ni Kristoffer R. Esquejo[1]
Madalas marinig sa mga Pilipino ang pagsambit sa kasabihang panahon pa ni Mahoma. Aakalain lamang natin na ang kahulugan nito ay napakatagal nang panahon. Hindi alam ng ilan na si Mahoma ay si Mohammed, ang iginagalang na propetang tagapagtatag ng relihiyong Islam. Hindi man siya nakarating sa Pilipinas subalit may mga mangangalakal at misyonerong Muslim na nakarating sa Sulu at Mindanao na nagpakalat ng Islam, higit na maaga sa Katolisismo. Sa kaso ng Romblon, makikita sa mga lumang ulat na madalas mabanggit ang kasabihang panahon pat kato ni Teran. Tumutukoy ito sa taong 1881 kung kailan iniutos ang pwersahang pagpapabinyag ng lahat ng mga hindi pa Katolikong tao sa Romblon. Ang Teran na binanggit ay si Jose Fernandez de Teran (sa ibang ulat ay Juan), ang nooy comandante militar na Kastila. Ang kanyang utos ay isang hakbang na higit na pulitikal kaysa relihiyoso para kontrolin ang pag-iisip at pamumuhay ng lahat ng Romblomanon. Bakit? Dahil hindi nakasulat sa Bibliya ang paggamit ng dahas para ikalat ang ebanghelyo ng tagapagtatag nito.
Lahat ba ay sumunod sa utos ni Teran? Ang sagot ay hindi. Nariyan ang mga Mangyan galing Mindoro na tumutol sa pamamagitan ng mabilis na pagtakas pabalik ng Mindoro dala-dala ang kanilang mga anak at pag-aari. Sila ay isang pangkat-etniko na pumunta din ng Tablas sa pamamagitan ng pagtawid sa mapanganib na kipot sa isang di-matiyak na panahon. Kung ihahambing sa mga Ati, itinuturing ang mga Mangyan na higit na nakatataas sa una subalit tinatrato pa ring nakakababa ng mga sibilisadong Romblomanon dahil na rin sa kanilang kakaibang anyo at kultura. Naniniwala silang ang pagpapabinyag ay katumbas ng paglimot sa kanilang kultura at pagkakakilanlan.
Bago ang 1881, hinahangaan ng mga karaniwang taga-Tablas ang mga Mangyan dahil sa pagkakaroon na nila ng sistema ng pagsusulat at malawak na ispiritwalidad. Ganito ang pagkalarawan ni Meez sa kanilang mga paniniwala sa kamatayan at kaluluwa: The Mangyans believe that after death, a soul goes to a world beyond where he either enjoys eternal blessings or suffer endless punishments. The daniw, a ceremony performed on a dead person, is to implore the gods to help the soul of the dead to pass to heaven. The palomran, another ceremony for the dead, for the transfer of his remains to a cave or top of a cliff, is performed a year after the burial. The widow or widower, as the case may be, may remarry after the palomran. The Mangyans revere the soul of the dead. They believe that now and then, the soul of their dead relative makes an earthly visit. Spirits of the lands are also respected. Before making a clearing in a forest, permission of the spirits must first be secured by means of offerings.
Sa kasalukuyan, marami pa ring Mangyan sa Mindoro. Karamihan nga sa kanila ay may kasuotan, edukasyon at nag-iba na rin ng relihiyon. Ang mga natitira na lamang sa Romblon ay ang mga tinatawag na Mangyan Tagabukid sa isla ng Sibuyan. Sa kasamaang-palad, aminin man natin o hindi ay naririyan pa rin ang mababang pagtingin natin sa kanila. Una ay ang laganap na paniniwalang may buntot ang mga Mangyan. Ikalawa ay ang paggamit ng salitang Mangyan hindi bilang isang pangngalan kundi isang pang-uri para sa isang taong minsan lang nakatikim, nakahawak o nakakita ng isang bagay o lugar. Sana pagkatapos na mabasa ang sanaysay na ito ay maisip nating ang mga Mangyan ay may mahalagang papel na ginampanan sa ating kasaysayan dahil sa kanilang pagtutol na magpailalim.
[1] Ang manunulat ay instruktor ng kasaysayan sa UP Diliman. Para sa komento at suhestiyon, malayang mag-email sa kris_esquejo@yahoo.com