Archives
News

Dahil sa patong-patong na anomalya . . .

PRES. JETER SESPEÑE NG RSC  KINASUHAN SA OMBUDSMAN   

Odiongan - Pormal na sinampahan ng kaso sa tanggapan ng Ombudsman si President Jeter Sespeñe ng RSC main campus, dahil sa umano'y patong-patong na anomalya na kinasasangkutan nito sa mga transaksyon at proyekto na isinagawa sa nasabing kolehiyo

Ang nagsampa ng reklamo ay si Dr. Alex Formento, Assistant Professor III at kasalukuyang Vice President for Research, Development and Extension ng naturang paaralan.

  

Ayon sa kopya ng Sworn Complaint ni Dr. Formento na nakalap ng pahayagang ito, anim (6) na magkakahiwalay na kasong kriminal at administratibo  ang naisampa sa tanggapan ng Ombudsman noong Setyembre 04, 2009 laban kay President Sespeñe.

 

 Unang kaso na isinampa ni Dr. Formento laban kay President Sespeñe ay ang paglabag umano nito sa section 3 (g) of RA 3019 otherwise known as Anti-Graft and Corrupt Practices Act at paglabag sa probisyon ng RA 9184 kilala bilang Government Procurement Reform Act. Ito ay ang tungkol sa pagbili ng service bus ng RSC President kung saan, sa halip na brand new bus ang bilhin base sa napagkasunduan sa Board Meeting, bumili ng segunda-manong bus si President Jeter sa halagang P1,272,000.00 ng walang pahintulot sa nasabing Board.

  

Ayon pa rin sa naturang Sworn Complaint ni Dr. Formento, batay umano sa nakuhang price quotation mula sa kumpanyang Donghae Corporation kung saan binili ang nasabing segunda-manong bus, P950,000 lamang umano ang halaga nito at lumalabas na overpriced ng P322,000.00 ang pagkabili ng naturang bus.

  

Batay pa rin sa Sworn Complaint, maliban pa sa overpriced, nakasaad din doon sa disbursement voucher na "maliciously declared as "supplies" ang segunda-manong bus kung saan, ito umano ay lantarang paglabag sa itinatadhana ng batas. Wala rin umanong ginawang competitive public bidding sa pagbili ng kontrobersyal na bus.

 

 Ikalawang kaso na isinampa ni Dr. Formento laban kay President Jeter Sespeñe ay ang paglabag umano sa section 3 (e) ng RA 3019 at probisyon ng RA 9184 tungkol umano sa ginawang pamimili ng kagamitan sa proyektong Banana Tissue Culture Laboratory ng naturang kolehiyo.

  Ayon sa Reklamong Salaysay ni Dr. Formento, noong Agosto 08, 2008, gumawa ng canvass ng mga kagamitan sa nasabing proyekto ang pamunuan ng RSC main as per Purchase Request No. 08-08-1075 sa pamamagitan ni Ginang Violeta F. Maulion, chief Administrative Officer, kung saan, ayon sa record, tatlong kumpanya umano ang sumali sa nasabing canvass. Ito ay kinabibilangan ng ATR Trading, Scientific Product Company (SPC) at CORE Scientific Industries na may address sa SFDM, Quezon City, Sta. Cruz, Manila at Acila Tower Mt. Pulog St. Umali Subd., Los Baños, Laguna, ayon sa pagkakasunod-sunod.

 

 Ayon pa rin sa nasabing reklamo, noong Agosto 11, 2009, ang RSC main ay nag-isyu ng Purchase Order No. 08-08-1094-A sa kumpanyang CORE Scientific Industries kung saan, ang naturang kumpanya umano ang nanalo sa isinagawang canvass sa kabuuang halagang P1,180,698.00 ngunit ayon sa record, mas mataas ito kumpara sa kabuuang halaga na isinumite ng SPC Company na meron lamang kabuuang halaga na P1,125,555.00.

 

 Batay pa rin sa naturang reklamo, noong araw ding iyon (August 11), nag-isyu agad ang RSC main ng advance payment sa halagang P350,000 sa kumpanyang CORE Scientific Industries as per O.R. No. 5662 sa pamamagitan ng cash, kahit na wala umanong pahintulot sa tanggapan ng pangulo ng Pilipinas, base na rin sa itinatadhana ng section 88 ng PD 1445.

  

Dagdag pa rin sa reklamo ni Dr. Formento na noong Setyembre 25, 2008, ang RSC main ay nag-isyu ng panibagong Purchase Order No. 08-09-1118 sa CORE Scientific Industries sa halagang P246,734.00 at ito'y binayaran noong Nobyembre 06,2008 as per Voucher No. 08-11-1457 (ang tseke ay hindi nakatala sa voucher) at O.R. No. 5736 sa halagang P233,516.11 mula sa trust fund ng kolehiyo.

  

Ayon pa rin sa reklamo, isinagawa ang naturang transaksyon sa pamamagitan ng canvass at hindi sa pamamagitan ng competitive public bidding.

  

 Ikatlong kaso na isinampa ni Dr. Alex Formento laban kay President Jeter Sespeñe ay tungkol sa pagbili umano ng RSC ng 115 ektarya ng lupa sa barangay Agpudlos, San Andres sa pamilya Martinez. Ayon sa reklamo, nagbayad umano ang pamunuan ng RSC ng halagang P45,000 bawat ektarya kung saan, si President Jeter mismo ang personal na nangasiwa sa naturang pamimili.

 

 Ayon sa reklamo, pagkatapos umanong maisagawa ang bayaran ng lupa ng RSC, si President Jeter at ang kanyang biyenan ay nagkaroon din umano ng pag-aaring lupa na may kabuuang sukat na 1.8 at 3.0 ektarya ayon sa pagkakasunod-sunod, malapit sa lupang pag-aari ng RSC sa naturang lugar.

 

 Ayon pa rin sa nasabing reklamo, inamin umano ni President Sespeñe na nagkaroon siya ng lupa sa nasambit na lugar base na rin sa isinagawang interview sa kanya ni Editor Suico Romero ng pahayagang ito na lumabas noong July 13-19 issue ng Romblon Sun.

  

Dahilan nito, nilabag umano ni President Jeter ang section 3 (e) ng RA 3019 dahil sa direktang pagtanggap nito ng benepisyong lupa mula sa pamilya Martinez.

 

 Ika-apat na kaso ay ang paglabag umano sa Title 4, section 4, Article 171 ng Revised Penal Code (Falsification of Official Document by Public Officer and Employee).

 

 Ayon sa reklamo, noong June 27, 2009, ang tanggapan ni President Sespeñe ay namahagi ng Office Order No. 3-B series of 2008 na may petsang June 26, 2008 kung saan, ito ay nag-aatas na buuin ang Bids and Awards Committee (BAC) ng RSC.

 

 Ayon sa reklamo ni Dr. Formento, noong malaman umano niya na kaduda-duda ang petsa ng naturang Office Order, nagtanong umano siya (Formento) kay Bb. Hazel F. Fabula, Administrative Aide I ng RSC, at dito ay kanyang nalaman na ang naturang Office Order ay bago lamang umano ginawa at hindi noong June 26, 2008. Na ang naturang Office Order ay ginamit umano ni President Jeter bilang isa sa mga supporting documents sa ginawang evaluation ng CHED evaluation committee sa kanyang performance bilang pangulo ng RSC kung saan, siya ay na-appoint muli bilang pangulo. Ayon sa bahagi ng reklamo: " 4. That President Jeter S. Sespeñe deliberately caused the alteration of the true date and series number of the Office Order No. 3-B s. 2008 for the specific purpose of influencing and misleading the Evaluation Committee sent by CHED to asses, verify, and validate the performance of President Jeter S. Sespeñe in connection with his bid for reappointment as President of RSC. In fact President Jeter S. Sespeñe was reappointed as President of RSC after the vetting process was conducted based among others on Office Order No. 3-B  as aforesaid."

 

 Ika-limang kaso na isinampa ni Dr. Alex Formento laban kay President Jeter Sespeñe ay ang paglabag umano sa Title 13, Chapter 1, Section 1 ng Revised Penal Code at paglabag umano sa itinatadhana ng section 4 (c) ng RA 6713, kilala bilang Code of Conduct and Ethical Standards of Public Officials and Employees.

 

  Ayon sa reklamo, noong July 08, 2009, sa interview kay President Jeter ng Editor ng Romblon Sun na lumabas noong July 13-19 issue, sinabi nito na hindi umano nababagay na maging Presidente ng RSC si Dr. Alex Formento dahil bumagsak umano ang kooperatiba ng nasabing kolehiyo sa panahon ng kanyang pamamahala. Sinabi rin ni President Jeter sa kanyang interview na: "Saan napunta ang pera?" na ang ibig  ipakahulugan nito ay ginamit niya (Formento) ang pera ng kooperatiba sa hindi maganda. 

  

Dahil dito, ayon sa reklamo ni Dr. Formento, nasira umano ang kanyang reputasyon bilang isang professor. Ayon sa bahagi ng reklamo: "That the acts of RSC President Jeter S. Sespeñe violated norms and conduct of public officials by not respecting my rights and the words uttered which he caused to be published were calculated to induce the readers to suppose and understand that I am guilty of certain offenses, or are sufficient to impeach my honesty, virtue or reputation, or to hold me up to public ridicule." 

  

Ang Ika-anim na kaso laban kay President Jeter Sespeñe ay tungkol sa paglabag umano sa section 88 ng PD 1445, Malversation of Public Funds at paglabag umano sa probisyon ng RA 9184 o Government Procurement Reform Act.

  Ayon sa reklamo ni Dr. Formento, batay umano sa COA Annual Audit Report of 2007 under comments, observations and recommendations na inilabas noong Pebrero 2006 para sa RSC, pumasok umano sa isang kontratang re-survey ang RSC sa pamamagitan ni President Jeter at ng kumpanyang LMSG Surveying Office na nakabase sa Odiongan, Romblon. Ayon pa sa reklamo, nagsagawa umano ng re-survey, relocation and sub-division of Lot No. III, Cad. No. 341-D, Odiongan, Romblon containing an area of 215,467 square meters ang naturang surveying office sa barangay Liwanag, na babayaran sa halagang P102,500.00.

  

Ayon pa rin sa reklamo, noong Marso 29, 2006, pagkatapos na makatanggap ng Notice to Proceed ang LMSG Surveying Office mula sa RSC President, nakakolekta na umano ng partial payment for surveying expenses ang una sa ilalim ng Voucher No. 06-06-939 and Check No. 032865 na may petsang June 6, 2006 sa halagang P82,000.00 kahit pa hindi ito suportado ng mga kaukulang papeles. 

  

Batay pa rin sa reklamo, base sa COA report 2008, noong Oktubre 20, 2006, ang RSC sa pamamagitan ni President Jeter at ng State Alliance Enterprises Inc. ay pumasok sa isang kontrata para bumili ng mga kagamitan sa laboratory and engineering equipments sa halagang P1,883,422.50 ng walang public bidding na nagyari.

 

 Natuklasan din na ang authority ni President Jeter para pirmahan ang nasabing contract of sale ay nanggaling lamang sa Board of Regents imbis na sa Board of Trustees ng RSC. Gayundin, nakalagay sa mode of procurement na ang kontrata ay isinagawa sa pamamagitan ng canvass ngunit ang totoo, ito umano ay isinagawa sa pamamagitan ng negotiated purchase.

Akala mo biro, 'yun pala ay totoo

Ni: AWE ERANES

"It is easier to perceive error than to find truth, for the former lies on the surface and is easier seen, while the latter lies in the depth, where few are willing to search for it." - Johann Wolfgang Von Goethe

Dumating na rin ang pagkakataon na hinihintay ng lahat, ang malaman na kinasuhan ang Presidente ng RSC sa katauhan ni Jeter S. Sespeñe. Siya ay sinampahan ng kaso sa Ombudsman ni Dr. Alex Formento noong September 04, 2009 dahil sa patong-patong na anomalya na kinasasangkutan nito base na rin sa kopya ng dokumento na ating nakalap.

  

Ngayon, tiyak na magugulat at hihimatayin sa pag-aalala ang mga alipores ni President Jeter, pati na rin ang mga kasabwat nito, dahil kapag dumating ang oras na isasalang sa imbestigasyon ang naturang mga kaso, malamang na ang magiging kanta si President Jeter ay: "we are partner's in crime" nya-ha-ha-ha...

   

 Ngayon mare-realize ni Jeter na hindi  pala lahat ng araw ay pasko. Na dumarating pala talaga ang panahon ng biyernes santo. Gayundin, nalaman niya na hindi pala lahat ng empleyado na nagta-trabaho sa RSC main ay kaya niyang pasunurin sa kanyang gusto kahit na mali ito.

 

 Akala niya walang kakatalo sa kanya dahil siya ang Presidente dito. Akala niya walang maglalakas loob na ibulgar ang mga kalokohan na nangyayari sa loob ng campus. Akala niya hindi siya papatulan ni Dr. Alex Formento. Ah, Doon siya nagkamali. Tunay na andaming namamatay sa akala.

  

Para doon sa mga alipores ni Jeter na nagsisigaw sa radio na kesyo naiinggit lamang daw kami at desperado ang RSun sa mga ginagawang expose' nito. Ngayon nila sabihin na puro ngawa lang ang reklamo at pawang mga haka-haka lamang ang aming inilabas noong mga nakaraang isyu. Na hindi daw totoo ang isyu laban kay Jeter. Na hanggang    bunganga lamang daw ito. Paano nila ngayon idedepensa ang mga kasong isinampa sa Ombudsman laban kay Jeter eh suportado ito ng mga dokumento? Kahit isa lang ang tumama sa kanya doon sa anim na kaso, tiyak na para siyang tinamaan ng kidlat sa baywalk! 

 

 Nais ko ring linawin na hindi tama ang mga ipinaratang sa amin ng dalawang taga-kahol at taga-ngiyaw sa radio na kaya daw binira ng Rsun si Jeter ay dahil lumipat ito ng suporta mula kay Firmalo patungo kay Budoy. Walang kinalaman ang pulitika dito dahil ang problema ay anomalya, hindi pulitika, at mismong si President Jeter ang involve dito. Kumbaga, si Jeter mismo ang gumawa ng sarili niyang multo na kanyang kinatatakutan!

  

Bilang tunay na alagad ng media, tungkulin namin na ipaalam sa taumbayan ang lahat ng mga nangyayari sa ating kapaligiran maging ito man ay maganda o isang anomalya dahil karapatan ng taumbayan na malaman ang mga ito lalo na kung may involve na pera ng bayan.

                              -o0o-

   Nitong nakaraang linggo ay nakatanggap tayo ng impormasyon na na-deny ang apela ni Mr. DEsilting sa tanggapan ng Court of Appeals tungkol doon sa kanyang dating kaso kung saan, siya ay dinismis ng Ombudsman bilang District Engineer ng Negros Occidental.

 

 Matatandaan na lumabas ang desisyon ng dismissal order ng Ombudsman laban kay Mr. Desilting kasama ng 14 iba pang opisyal ng DPWH noong October 02, at kinabukasan ay lumabas agad ito sa  national news noong October 03, 2008. 

Agad naman natin itong ibinalita sa aking radio program noon sa Radio Natin - Odiongan. Ang masakit nga lamang, hindi naipatupad ang naturang dismissal order laban kay Mr. DEsilting dahil hindi inimplementa ni DPWH secretary Hermogenes Ebdane ang naturang order.  

 

 Si Mr. DEsilting, kasama ng anim pang opisyal na nadismis ay naka-assigned noon sa DPWH Fourth Sub-Engineering Office ng Bago, Negros Occidental.

 

 Ayon sa ulat, si Mr. DEsilting ay inorderang sibakin sa pwesto dahil sa kasong Grave Misconduct kaugnay ng mga katiwalian na nadiskubre sa dalawang improvement projects sa Camingawan-Pandan Road sa Pontevedra, Negros Occ. Ayon sa ating impormasyon, ang nagsampa ng kaso sa Ombudsman laban kay Mr. DEsilting ay ang dating congressman ng Negros Occidental noong taong 2002.

  

Ayon pa rin sa record, noong magsagawa ng special audit ang COA para sa mga nasabing proyekto, nadiskubre na may discrepancy na P8.13 milyon para sa halaga ng materyales at labor na binayaran ngunit hindi naman ito nai-deliver o naisagawa. Bukod pa dito, natuklasan din na may halos P3 milyon na halaga ng materyales at labor na ginamit ngunit hindi ito naisama sa mga nabayarang gastusin.

  

Ngayon, nais nating linawin na ang nadesisyunan pa lamang sa dating kaso ni Mr. DEsilting ay ang Administrative case (Grave Misconduct) pa lamang at wala pa dito ang kasong kriminal na kasalukuyang nakabinbin sa tanggapan ng Ombudsman.

 

 Maliban pa rin dito, may panibagong kaso na isinampa laban kay Mr. DEsilting sa nasambit na tanggapan nitong nakaraang Agosto 28, 2009 kung saan, siya ay isa sa kinasuhan ng limang pulis dahil sa paglabag umano sa PD 1829 - Obstruction of Justice  at section 3 (e) ng RA 3019 kilala bilang Anti-Graft and Corrupt Practices Act dahil siya umano ang nag-utos na pakawalan ang inarestong kapitan at makinista ng nahuling lantsa noong Agosto 21, 2009.

<!--[if !supportEmptyParas]--> <!--[endif]-->

Kapag totoo na na-deny ang kanyang apela, tiyak na iaakyat ni Mr. DEsilting sa Supreme Court ang kanyang kaso at kapag na-deny uli ito doon, tuluyan na siyang  matatanggalan ng karapatan na  humawak ng anomang posisyon sa gobyerno at hindi na rin siya maka-boto at mai-boto.

  

Para doon sa mga binabayarang taga-kahol at taga-ngiyaw ni Mr. DEsilting, totoo na naka-retire siya bilang District Engineer ngunit ang tanong, may nakuha kaya siyang benepisyo sa gobyerno? Palagay ko ay wala dahil isa sa mga requirement bago mag-retire ang isang empleyado at opisyal sa gobyerno, kinakailangan ang clearance sa Ombudsman.

  

Sabagay, sa dami ng nakulimbat ni Mr. DEsilting, base narin sa lumabas na ulat noong nakaupo pa siya, marahil ay balewala na sa kanya ang benepisyong makukuha sa gobyerno. Gaano nga lamang naman iyon kumpara sa dami ng ilog na kanyang hinukay. Magkano ba ang kanyang retirement benefits? P3 milyon? P5 milyon? Ah... marahil ang sasabihin ni Mr. DEsilting, "Wala iyan, isang ilog lang iyan!"

  

Kapag dumating na ang oras na nahatulan si Mr. Desilting, tiyak na ang sasabihin ng kanyang mga alipores ay ganito: "Akala namin biro, 'yun pala ay totoo!"

For comments: contact 09208075076