Archives
News

MARALITANG MANGINGISDA NAGRALLY SA ROMBLON
 

Romblon, Romblon - Isang malaking rally ng mga maralitang mangingisda ang isinagawa sa bayang ito noong Setyembre 04, (Biyernes) 2009, upang mariing tutulan ang walang habas na pagpasok at pagsasamantala ng mga ilegal na dayuhang mangingisda sa karagatang sakop ng Romblon.
 
 Pinangunahan ang naturang rally ng grupo ng SIKAT, isang Non-Government Organization (NGO) na nakabase sa kabisera, mga Bantay Dagat ng ibat-ibang barangay, kasama rin ang grupo ng mga kababaihan at mga mangingisdang nagmula sa ibat-ibang bayan ng lalawigan ng Romblon.

   Nagsimula ang rally bandang 7:00 ng umaga sa pamamagitan ng pagmartsa paikot sa bayan, pagkatapos ay tumuloy ang grupo sa kapitolyo upang doon ay ipahayag ang kanilang damdamin.
   
 Pagkatapos na maipahayag ang kanilang saloobin, dumiretso na ang mga raliyesta sa plaza, partikular sa Freedom Park, at dito ay buong laya na kanilang ibinuhos ang galit at sama ng loob sa mga namumuno sa lalawigan.
 
Sa naturang rally ay mariing kinondena ng mga raliyesta ang umano'y lantarang pakikipagsabwatan ng ilang provincial officials, partikular nina Police Provincial Director Nilo Anzo at DPWH District Engineer Rolindo "DE" Perez, sa mga ilegalistang dayuhan. Makikita rin sa ibat-ibang placard at streamers ng mga raliyesta ang kanilang karaingan at sentimyento sa  mga opisyal ng lalawigan. Imbis na ang mga maliliit na mangingisda ang dapat tulungan, inuna pa umanong i-rescue nina PD Anzo at DE Perez ang mga arestadong dayuhan na siyang lumapastangan sa karagatan ng Romblon.
 
Tinuligsa rin ng mga raliyestang mangingisda ang pagwa-walang bahala at walang malasakit sa hanay ng mga mangingisda nina Congressman Budoy Madrona at Governor Jojo Beltran sa ginagawang pang-aabuso ng mga ilegalista sa karagatang sakop ng Romblon. Madiin nilang itinanong kay Governor Jojo Beltran kung nasaan na ang patrol boat ng probinsya na dapat sana ay siyang ginagamit para habulin ang mga tampalasan sa likas-yaman ng lalawigan.
   
Pinangunahan naman ni Ginoong Charles Ramal, Provincial Fisherfolk Representative ng Romblon, ang mga nagsalita sa naturang rally. Ipinagmalaki nito ang kagitingan na ginawa ng limang batang pulis na sina PO1 Johnson Galindez, PO1 Mark Anthony Encarnacion, PO1 Rene Guirindola, PO1 Eric Harold Faigao, PO1 Michael Jack Macatol kasama rin ang mga Bantay Dagat at miyembro ng SIKAT na sina Elmo Dela Cruz, Sr., Pedro Mesana, Olfie Montiel, Miguel Cortes, Delfin Mores at SBM Jerry Mallorca ng Romblon. Sila ang nanguna sa ginawang panghuhuli sa lantsang Saint John D' Apostle na pag-aari ng kumpanyang Reyna Mercedes Fishing ng Lucena City. Ang nasabing lantsa ay nahuli ng naturang grupo noong Agosto 21, 2009 sa karagatang sakop ng Romblon, ngunit pagkatapos nito ay napag-alaman na ang arestadong kapitan at makinista ay nawala at balitang ibinalik sa laot, sa utos umano nina PD Anzo at DE Perez.   
 
 Sa kanyang talumpati, hinambalos naman ni Kapitan Jun Bernardo ng barangay Lonos, ang ginagawang sabwatan nina PD Anzo at DE Perez sa pamunuan ng Reyna Mercedes Fishing (RMF), kumpanyang pag-aari ni Noli Yu ng Lucena City. Dito ay kanyang mariing ipinahayag ang epekto ng malawakang operasyon ng kumpanyang RMF na nagbunsod sa unti-unting pagkaubos ng mga isda sa karagatan ng Romblon at ang malaking epekto nito sa kanilang kabuhayan na sa malaon at madali ay magiging sanhi ng pagkagutom ng kanilang mga pamilya.
 
 Sa kalagitnaan ng rally, binasa naman ng isang babae ang statement of support na ipinadala ni Ginoong Nicon Fameronag, chief of staff ni Senator Antonio Trillanes, at dito ay mariing kinondena ni Fameronag ang ginagawang pambababoy ng ilang matataas na opisyal ng lalawigan sa hanay ng maralitang mangingisda.
 
 Ayon naman kay Ginang Ener G. Mercano, WLR Provincial Vice President, dapat na umanong wakasan ang panggagahasa ng mga dayuhan sa likas-yaman ng Romblon upang may mahuli at makain pa na isda ang kanilang mga anak at ang susunod  pa na salin-lahing Romblomanon.
   
Sa talumpati naman ni mayor Gard Montojo, sinabi nito na sumusuporta umano siya sa ipinaglalaban ng mga mangingisda at kung may matibay anya na ebidensya laban sa mga sinasabing sangkot sa pagkawala ng dalawang arestado, dapat umanong sampahan ng kaukulang kaso ang mga ito.
 
 Matatandaan na nauna nang isinampa ng mga Apprehending Officer noong Agosto 28, 2009 sa tanggapan ng Ombudsman ang kasong paglabag sa PD 1829 - Obstruction of Justice at section 3(a) at (e) ng RA 3019, kilala bilang Anti-Graft and Corrupt Practices Act laban kina Police Provincial Director Nilo Anzo, District Engineer Rolindo "DE" Perez, PO2 Michael Mase, PO1 Reynante Mutia, Errol Maaba at Cesar Barace. Sila ang itinuturong instrumento sa pagkawala ng kapitan at makinista ng nahuling lantsa noong Agosto 21, 2009.
 
 Ang mga bayan na nakilahok sa nasabing rally ay kinabibilangan ng Romblon, San Agustin, Sta. Maria, Calatrava, Looc, at Corcuera. Maliban sa bayan ng Looc, ang karagatan ng mga nasambit na bayan ang siyang madalas at direktang apektado ng ginagawang illegal fishing ng RMF at mga dayuhang mangingisda na galing Masbate.
   
Nangunguna naman ang bayan ng Calatrava sa mga bayan na sumuporta sa dami ng dumalong mangingisda sa pamumuno ni Vice Mayor Bert Fajel at Cards Famis. 
   
Sumama rin at nagpakita ng suporta sa grupo ng mangingisda si Vice Governor Alice Fetalvero kung saan, sumama mismo ito sa grupo ng Calatrava sa pagmartsa patungong Freedom Park.
   
Kahit na malakas ang alon, sumugod pa rin ang grupo ng Corcuera sa pangunguna ni SB Richard "Etat" Fojas, Carling Fruelda, Sr., kagawad Eno Faner, Feriong Fajiculay, at Otel Famorcan, sa pakikipagtulungan ni MAO Erwin Fabella,  upang ipakita ang kanilang malasakit sa kapakanan ng mangingisdang taga-Simara.