Archives
News

Dahil sa pagkahuli ng dayong lantsa. . .

SB MALLORCA TUMANGGAP NG DEATH THREAT

Romblon,Romblon - "Pu.... ina mo Mallorca, may araw ka rin!" Ito ang paulit-ulit na tawag-banta sa cell phone na tinatanggap ni Sangguniang Bayan member Jerry Mallorca ng Romblon, Romblon matapos na maisampa ang kaso laban kina Police Provincial Director Nilo Anzo at dating DPWH district engineer Rolindo "DE" Perez at sa dalawang tauhan ng lantsang nasakote ng mga apprehending team na kinabibilangan ni SB Mallorca noong Agosto 21, 2009, habang ilegal na nangingisda sa karagatang sakop ng munisipyo ng Romblon.

Ayon kay SB Mallorca, noon pa man, simula na maging aktibo siya sa pagtulong sa mga maralitang mangingisda ng Romblon, pinasasaringan na umano siya ng ilang maimpluwensiyang mga opisyales sa lalawigan.

Ayon pa rin kay SB Mallorca, ang pinakagrabeng insidente ng pagbabanta sa kanyang buhay ay ng makatanggap siya ng mga "death threat"  sa pamamagitan ng tawag sa kanyang cell phone nitong mga nakaraang araw. Halos araw-araw umano siyang tinatawagan ng hindi nagpapakilalang caller kaalinsunod ng mga pagmumura lalo na noong pagkatapos ng malaking rally na isinagawa ng mga maralitang mangingisda noong Septyembre 4.

"Lagi na lang akong tinatawagan sa telepono at binabantaan na may masamang mangyayari sa akin." hinaing ni SBM Mallorca. 

Nang makapanayam sa telepono ng pahayagang ito, sinabi ni SB Mallorca na batid umano niya ang pangalan ng mga tao na nasa likod ng mga pagbabanta sa kanyang buhay. Agad naman umano nitong ipina-blotter sa himpilan ng pulisya ng Romblon ang mga natatanggap na tawag-pagbabanta sa kanyang buhay. Dagdag pa ni SB Mallorca na anomang marahas na hakbang na gagawin laban sa kanya ay may maituturo umano siyang tao.

Batid ng maraming Romblomanon na aktibo at nangunguna si SB Mallorca sa pagtutol sa pagpasok ng mga dayong mangingisda lalo na ang mga lantsa o barkong pangisda dito sa Romblon, dahil sa unti-unting inuubos ng mga ito ang mga isda sa karagatang sakop ng lalawigan.  

Sinabi rin ni SB Mallorca na masyadong nakapipinsala sa maliliit na mangingisdang Romblomanon ang gamit pangisda ng mga dayuhan dahil gumagamit ang mga ito ng  makabagong kagamitan tulad ng super light at pinong lambat sa panghuhuli ng isda.

Labis namang umaangal sa mga opisyal ng lalawigan ang mga maralitang mangingisda ng Romblon dahil wala man lamang umano silang ginagawang aksyon laban sa mga ilegalistang mangingisda na walang humpay na nananalasa at pabalik-balik dito sa lalawigan.

Matatandaan na noong agosto 21, 2009 ay nahuli ng mga apprehending team ang lantsang Saint John D' Apostle ng kumpanyang Reyna Mercedes Fishing na pag-aari ni Noli Yu ng Lucena City, habang nasa aktong binabatak ang kanilang lambat sa karagatang sakop ng kabesira. Ang nasabing panghuhuli ay nagresulta sa pagkaaresto ng makinista at kapitan ng naturang lantsa.

Pinangunahan naman ang ginawang panghuhuli sa mga illegal commercial fishing nang pinagsanib na elemento ng Romblon PNP sa pamumuno nina: PO1 Johnson Galindez, PO1 Mark Anthony Encarnacion, PO1 Rene Guirindola, PO1 Eric Harold Faigao at PO1 Michael Jack Macatol at miyembro ng SIKAT, isang Non-government Organization (NGO) sa pangunguna ni Charles Ramal, Provincial Fisherfolk Representative, Delfin Mores, Elmo dela Cruz, Sr., Pedro Mesana, Olfie Montiel, Miguel Cortes at SB Jerry Mallorca.

Bunga nito, naisampa sa korte noong Agosto 27, 2009 ang kasong paglabag sa RA 8550, kilala bilang Philippine Fisheries Code of 1998 partikular ang section 86 (Unauthorized Fishing), section 90 (Fishing with the use of active gear), section 93 (Fishing with the use of super light) at section 106 (Obstruction to Fishery Law Enforcement Officer) laban sa kapitan at makinista ng lantsang nahuli.

Gayundin, kinasuhan sa tanggapan ng Ombudsman ng mga apprehending team noong Agosto 28, 2009 sina PD Nilo Anzo, dating DPWH district engineer Rolindo 'DE" Perez, Pinsp. Cleff B. Vencio, PO2 Michael Mase, PO1 Reynante Mutia, kasama ang dalawang sibilyan na sina Errol Maaba at Cesar Barace dahil sa paglabag umano sa PD 1829 at RA 3019 dahil sila ang itinuturong naging instrumento sa pagkatakas ng arestadong kapitan at makinista ng lantsang nahuli . 

Matatandaan pa rin na hindi lamang ito ang unang pangyayari na sumasama si SB Mallorca sa pagpa-patrolya sa dagat. Madalas din siyang kasama ng SIKAT at ng tropa ng Romblon PNP sa ginagawang regular na nagpapatrolya sa karagatang sakop ng kabesira.

Ayon sa mga apprehending officer, maraming beses na silang nakahuli ng mga illegal fishing ngunit sa kabila ng kanilang dedikasyon at pagtaya ng sariling buhay para mahuli ang mga ilegalistang mangingisda, nakakalusot pa rin ang mga ito sa kuko ng batas dahil sa pakikialam umano ng ilang matataas na opisyal ng lalawigan. 

Naging kontrobersyal din ang ginawang pagpapatapon ni PD Anzo sa ilang pulis sa malalayong destino ng trabaho, sa utos umano ni dating district engineer Rolindo "DE" Perez,  dahil sa pagsakote ng mga ito sa illegal fishing na balitang protektado ng mga nasabing opisyal.

Bunsod na rin sa nangyaring pagkahuli ng dalawang tauhan ng lantsa na nagresulta sa pagsampa ng kaso sa tanggapan ng Ombudsman laban kina PD Anzo at DE Perez, kabilang ang tatlong pulis at dalawang sibilyan, may mga lumabas din na balita na sisiguraduhin umano ng mga inakusahan, partikular ni dating district engineer Rolindo "DE" Perez, na gagastusan umano nito ng malaking pera si SB Mallorca upang huwag itong makabalik sa pagiging konsehal ng bayan ng Romblon.

Ipinagkibit-balikat na lamang ni SB Mallorca ang nasabing balita at sinabi na hindi naman umano pera ang binibilang sa halalan kundi ang boto ng taumbayan.

Maaalalang nagretiro na bilang DPWH District Engineer si Rolindo "DE" Perez noong Setyembre 02, 2009 kaalinsabay sa pagdiriwang ng kanyang kaarawan.

Ayon sa ulat, sa kasagsagan ng pagdiriwang ng kanyang birthday party, nagdeklarang tatakbo umano si Perez sa darating na halalan bilang gobernador ng Romblon sa ilalim ng partido Lakas ni Congressman Budoy Madrona.

Malakas naman ang ugong na hindi umano ito susuportahan ng sektor ng maralitang mangingisda dahil sa mas binibigyan pa umano nito ng proteksyon ang mga ilegalistang dayuhan.