Archives
News

MAG-ASAWA TUMILAPON SA

MOTORSIKLO, NAOSPITAL

Romblon Sun

 (News)

San Andres, Romblon - Tumilapon mula sa kanilang motorsiklo ang mag-asawang Elizabeth at Saturnino Gan, Jr. matapos pumutok ang unahang gulong ng kanilang sasakyan.

  Naganap ang pangyayari noong Septyembre 14, 2009 bandang alas 8:30 ng umaga.

  Batay sa pahayag ng mga saksi, napag-alaman na mabilis ang pagpatakbo ng mag-asawa ng kanilang motorsiklo habang tinatahak ang bagong sementadong national road paakyat sa Sitio Pasilagon, Barangay Mabini ng bayang ito. Sa puntong iyon, narinig na lamang ang tunog- singaw na putok at nakitang tumimbuwang ang motorsiklo kaalinsabay ang pagtilapon ng mag-asawa sa kongkretong kanal ng kalsada.

   Sa tindi ng pangyayari, duguan na binuhat ng mga nakasaksi ang mag-asawa sa ilalim ng motorsiklo kung saan ang babae ay sugatan sa ulo, umaagos ang dugo sa ilong, baba at tainga at walang malay. Ang lalaki naman ay lupaypay at duguan rin ang ulo at pinapalagay na may bali sa katawan dahil may malay pero hindi makagalaw.

   Ayon kay Rogelio "Yoyong" Culdura, isa sa mga nakasaksi nang makausap niya si Saturnino Jr., sinabi na magde-deliver sana sila ng isdang galunggong sa Bagong Palengke ng Odiongan kung kaya mabilis umano ang kanilang pagpatakbo dahil hinahabol nila ang maagang oras sa palengke. Ngunit biglang pumutok ang gulong sa unahan at hindi na nito napigilan ang manibela ng motor, kaya sila tumilapon.

 Agad namang tinulungan ng mga nakasaksi ang duguang mag-asawa na kapwa taga Barangay Calunacon at dinala sa  San Andres Municipal Hospital sakay ng "service truck" ng SAMMI Co. Binigyan ng agarang lunas ang dalawa, subali't dahil malubha ang sinapit ng 36 anyos na si Elizabeth Gan ay idineretso ito sa Romblon Provincial Hospital sa bayan ng Odiongan.

  Ayon sa ina ng mga pasyente, halos dalawang araw sila sa ospital ng Odiongan, at pinayuhan sila ng doktor na dalhin sa Manila si Elizabeth. Samantala ang 37 anyos niyang Mr. ay binalik sa kanilang bahay sa Calunacon, San Andres upang doon na magpagaling.

                     (Ramon Musca, Jr.)